'Red carpet sa Miss U dress rehearsal, ready na'
Isang araw bago nga ang inaabangang coronation ng 65th Miss Universe, tuloy-tuloy pa rin sa kanilang rehearsals ang 86 official candidates ng prestihiyosong pageant.
Sa schedule nga ngayong araw, itinakda ang final dress rehearsal mamayang alas-2:00 ng hapon sa MOA arena base sa mga tickets na ipino-post ng mga magsisipagpanood.
Pero sa panayam kay Tourism Sec. Wanda Teo, mamayang gabi pa ang final dress rehearsal na sinasabing alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.
Mayroong mabibiling ticket para sa naturang rehearsal na mas mababa umano kompara sa soldout tickets para sa coronation na nagkakahalaga mula P2,000 hanggang sa P50,000 piso.
Sa ngayon ay nakalatag na ang red capret na rarampahan ng mga bigating personalidad mamayang gabi.
Pangunguhan ng reigning Pinay Miss Universe na si Pia Wurtzbach ang hanay ng mga bisita na papasok sa dress rehearsal.
Magsisilbing host ang Pinoy YouTube star na si Bretman Rock at si 2010 fourth runner-up Venus Raj.
Samantala, dumating na rin sa Pilipinas ang Grammy Award-winning at iconic R&B group na Boyz II Men na isa sa special performer sa Miss Universe coronation.
Taong 2014 nang mag-concert sa Pilipinas ang nasabing boy band na nasa likod ng hit songs na "On Bended Knee," "End of the Road," "One Sweet Day," "4 Seasons of Loneliness" at "Water Runs Dry."
Una rito, kahapon ay sumalang din sa on-camera rehersals ang 2016 Miss Universe candidates kasunod ng pagdating sa bansa ng controversial host na si Steve Harvey.
Leave a Comment