REFEREE NA SI MANNY!!


PACQUIAO NAG-REFEREE SA SENADO


Sumiklab ang word war kahapon sa pagitan nina Sens. Juan Miguel Zubiri at Antonio Trillanes IV kung saan muntik pang magkasuntukan ang dalawa kung hindi umawat si boxing icon at Sen. Manny Pacquiao at ang iba pang kabaro.
Nagsimula ang gulo nang tumayo si Zubiri sa bulwagan ng Senado para kastiguhin si Trillanes sa sinabi nito sa GMA News na siya at si Sen. Richard Gordon ay gustong i-whitewash ang imbestigasyon sa P50 milyong bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI).
Nanindigan si Zubiri na sa siyam na taon niya sa Kamara at apat na taon sa Senado, wala pang mambabatas na nag-akusa sa kanya na nagwa-whitewash ng imbestigasyon.
Kung giyera o suntukan umano ang hangad ni Trillanes, handa siya rito dahil sa marunong naman siya sa arnis.
“If you pick a fight with me, I’ll fight. I did not become a world champion of arnis for nothing!” hamon ni Zubiri.
Pinatulan naman ni Trillanes ang hamon ni Zubiri pero lalo niyang pinainit ang ulo ng huli dahil bukod sa planong whitewash sa bribery scandal sa BI, inakusahan din niya itong sangkot sa da­yaan noong 2007 senatorial elections at defender of the faith o kulto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“If you want to declare war then you should have be prepared to have war,” matapang na pahayag ni Trillanes.
Sinikap pa ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na paalalahanan ang dalawa na huwag gumamit ng “unparliamentary language” sa kanilang debate alinsunod sa Section 93 ng Senate Rules.
Nang ideklara ni Pimentel ang break sa sesyon, nilapitan ni Zubiri si Trillanes sa gitna ng session hall malapit sa puwesto ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Ilang cameraman ang nakarinig sa sinabi ni Zubiri habang naglalakad na “kung bata pa ako sasapakin ko ito.”

Nang magkaharap ang dalawa, agad namang pumagitna si WBO welterweight champion Pacquiao, kasama sina Pimentel at Sen. Bam Aquino IV upang paghiwalayin ang dalawang nagkainitang senador.
Ang pinag-ugatan ng init ng ulo ni Zubiri ay ang pahayag ni Trillanes na isa lang ang suspetsa niya kung bakit inalis sa kanya ang pag-imbestiga sa P50 milyong bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI).
Sina Sens. Richard Gordon at Juan Miguel Zubiri ang nanguna para alisin sa komite ni Trillanes ang trabaho sa pag-imbestiga sa bribery scandal sa BI.
“Ito lang naman ang gustong mangyari nila Sen. Gordon at Zubiri na ‘wag kong maimbestigahan itong bribery scandal nila Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, BI officials at ni Jack Lam dahil alam nila na hindi nila ako mapipigilan,” patutsada ni Trillanes.
SOURCE:http://www.abante.com.ph/

Powered by Blogger.